• Good News

Profile

Tagalog News: 24,600 estudyante ng senior HS sa Palawan, bibigyan ng tablet

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hul. 22 (PIA) -- Mapagkakalooban ng magagamit na tablet ang nasa 24, 600 na mga estudyante ng Senior High School sa buong lalawigan ng Palawan.

Ito ay sa pamamagitan ng implementasyon ng Learning Continuity Plan (LCP) ng Department of Education (DepEd) – Palawan habang nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) ang lalawigan bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sinabi ni Grace Estefano, information officer ng DepEd-Palawan na prayoridad na maging benepisyaryo ng mga kagamitan ang mga estudyante sa senior high school upang makasabay sa panibagong sistema ng pag-aaral ngayong panahon ng pandemya.

Aniya, gagamiting pambili ng mga gadget ang P123.2 milyon na ipinagkaloob ng pamahalaang panlalawigan, batay sa napagkasunduan ng Palawan Provincial Local School Board (PPSB) sa pangunguna nina Gobernador Jose Ch. Alvarez, na siyang chairman, at Schools Division Superintendent Natividad Bayubay bilang co-chair.

Ang paglalaan ng nabanggit na pondo ay resulta ng pagpupulong kamakailan ng PPSB na naglalayong tugunan ang pangangailangan ng mga pampublikong paaralan sa lalawigan para sa napipintong pagbubukas ng klase ngayong taon.

May pipirmahan naman aniyang 'affidavit of undertaking' ang mga magulang at estudyante sa oras na matanggap ng mga ito ang tablet.

Samantala, sa 22 munisipyo sa Palawan, kung saan hindi kabilang ang bayan ng Kalayaan, mayroong 24,655 na nagpatala sa senior high school, habang 78,524 naman sa junior high school. Idagdag pa dito ang intermediate na 42,861, at libu-libo pang mag-aaral sa kinder at special education.

Sa kabuoan ay mayroong 252, 565 na mga mag-aaral at estudyante ang naitatala ng Schools Division Office, kung saan nangangailangan ito ng kabuoang halagang mahigit sa P1.2-bilyong pondo para lamang sa tablet na gagamitin sa pag-aaral. (LBD/PIAMIMAROPA)

Comments

0 Comments